Maraming bansag ang mga debotong Katoliko sa Divine Mercy Sunday. Isa na riyan ang ‘great reset’ dahil sa pinaniniwalaang pangakong dala ng araw na ito.
Para sa mga Katoliko, ang ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay o second Sunday of Easter ay tinaguriáng Divine Mercy Sunday. Sa Filipino, ang kapistahang ito’y tinatawag na Linggo ng Banal na Awa. Pero mayroón ding mga salin ng Divine Mercy na Dakilang Awa ng Diyos, at ang mas matuláing Mabathalang Awa.
Ang parokya ng inyong tambay ay ang Archdiocesan Shrine of the Divine Mercy (ASDM) dito sa Maysilo sa city hall ng Mandaluyong. Ang lungsod namin ay bahagi ng Archdiocese of Manila na sumasakop din sa Maynila, Makati, Pasay, San Juan, mga barangay na “Embo” ng Taguig, at ang Edsa Shrine.
Sa paliwanag ng website na “awitatpapuri.com,” itinalaga ni Santo Juan Pablo II nung panahon niya bilang Santo Papa noong April 30, 2000, “ang Ikalawang Linggo ng Muling Pagkabuhay bilang Linggo ng Dakilang Awa ng Diyos.” Ayon sa website, “Ang debosyon sa Dakilang Awa ng Diyos ay kaugnay sa mga aparisyon ni Jesus kay Santa Faustina Kowalska. Itinatampok ng titulong ito ang maawaing pagmamahal ng Diyos sa tao.”
Naglilingkod ako sa aming parokya bilang lector/commentator. Bagito pa lang ang tambay na ito sa pagsisilbi sa ASDM. Pero kapag nirerebyú ang pinagdaanan ko sa aking paglalakbay bilang isang payák na mananampalatayà, parang nakaguhit na ito’y magtúngo sa debosyon ng Banal na Awa ng Diyos.
Taong 1981, patapos na ang unang taon ng tambay na ito sa kolehiyo, pero masasabi pa rin na isang bagong saltá ito sa Maynila. Palibhasà, buong buhay ko sa iisang paaralan lang ako nakapag-aral sa Mandaluyong.
Kasibúlan ng aking kabataan at para akong nakawala sa kurál nung naging estudyánte ako sa UST. Dati, sa tapat ng palengke ang páaralán namin. at kadalasa’y eskuwéla-bahay lang ako noon. Bagamá’t mayroon din akong mga palihim at walang-paalam-sa-nanay na mga lákad, hindi ako bulakból. Pagsampá ng kolehiyo, lumawak ang mundo ko, naging “age of discovery” para sa akin.
Bukod sa pag-aaral, ang mga inatupag ko noon sa USTe ay makilahok sa student politics, na nagpaníngas sa aking pagiging aktibista, at maging bahagi ng isang grupong teatro (ang Artistang Artlets).
High school pa lang ako nabighanì na ako kay Santo Papa John Paul II. Naalala ko noong 1978, nung maluklók siyang Pope, nag-ipon ako ng allowance ko para makabili ng special edition ng Time magazine. Kinolekta ko rin ’yung mga magasin at peryodikong may mga artikulong tungkol kay JPII. Naakit ako sa tayô niya sa mga social issue, lalo na sa posisyon niya sa dignidad ng mga manggagawa.
Enero 1981 inalis kunó ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ang batas militar. Isang palabas lang naman ito, palibhasa requirement ’yun sa pagbisita ni Pope John Paul II sa Pilipinas na nakaiskedyul noon nang Pebrero 1981. Iyung pagdalaw ni JPII sa UST ang highlight ng aking unang taon sa kolehiyo.
Ngapala, ang pormal na titulo o pangalan ng USTe na nasa wikang Latin ay Pontificia et Regalis Universitas Sancti Thomae Aquinatis Manilana. Sa Ingles ito ay The Pontifical and Royal University of Santo Tomas, The Catholic University of the Philippines. Hindi ’yan tulad ng pormal na ngalan ng tao na kapag mainit ang ulo ni Nanay ay mataas ang boses na itinatawag sa iyo. (Kung magkaganoon, sumunod ka na agad at huwag ka nang mangatuwíran kung ayaw mong mapíngot sa punong tenga.)
Ang mga titulo ng USTe ay iginawad ng hari ng España (Carlos Segundo, 1785) at mga Santo Papa na sina Leo XIII, 1902, at Pius XII, 1947. At ipinagmamalaki ng USTe na ito lang ang natatanging pamantasan sa mundo sa binisita ng tatlong Santo Papa nang apat na beses (Paul VI, John Paul II nakadalawa, at Francis).
Hindi pa sikat ang Divine Mercy nung panahon ko sa kolehiyo. Kahit fanboy ako ni JPII, wala akong kaalam-alam sa Banal na Awa. Noong 1993 beatification ni Faustina Kowalska, clueless pa rin ako sa beata na taga-Poland.
Ipinagtibay ang Divine Mercy Sunday noong 2000 kasabay ng canonization ni Santa Faustina. Binansagan ang santa na “the Lord’s ‘Secretary of Divine Mercy.’”
Sa paglalarawan ni Father Chris Alar ng Marian Fathers of the Immaculate Conception, tinawag niya ang Divine Mercy Sunday na “the great reset.” Makailang ulit na sinabi ni Father Alar sa kanyang podcast na: “Divine Mercy Sunday is the most important day of the year…. It is the day the floodgates of Heaven are opened wide. It is God’s Great Reset for your soul.”
Tinuran ni Alar ang umano’y pangako ni Hesus nung nagpakita siya kay Santa Faustina. Naitala sa Diary ng santa (entry 699) na sinabi ng Poon: “The soul that will go to Confession and receive Holy Communion shall obtain complete forgiveness of sins and punishment.”
Kaya ko lang naman naikuwento ito ay dahil, kung sakaling araw pa rin ng kapistahan ng Divine Mercy kapag nabasa mo ito, baka maisipan mong kunin ang pagkakataong makinabang sa “great reset.” ’Ika nga naming mga deboto, parang “spiritual promo” ito dahil “back to zero” ang mga kasalanan kapag buong puso mo masunod ang inihabilin ni Hesus.
Isa lang payak na deboto ang hamak na tambay na ito. Ga-butil lang ang nalalaman ko sa buhay ni Santa Faustina. Wala akong kakayahang ipaliwanag ang mga naitala niya sa kanyang mga diary ukol sa aparisyón ni Hesus sa kanya. Basta naniniwala akong mapapatawad ang lahat ng mga kasalanan kapag nakapangumpisal at nakinabang ng Banal na Communion sa Divine Mercy Sunday.
Naniniwala ba ako sa spiritual “start over” na ito?
Oo naman. Mula nang magsilbi ako sa simbahan at mapasama sa grupong subók na ang tibay sa pananampalataya, makailang beses kong nasaksihan ang masasabi kong mga milagro ng dininig na mga panalangin.
Tuwing idinadasal namin ang Koronilyaka ng Banal na Awa o sa Ingles ang Chaplet of the Divine Mercy, nagmumula sa puso ang pagbigkas ko ng “Hesus, nananalig ako sa Iyo” o sa Ingles “Jesus, I trust in You.”
Sabi nga sa pinakadulong bahagi ng binasang Ebanghelyo (Juan 20:29) ngayong araw na ito: “Sinabi sa kanya ni Hesus, ‘Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.’” – Rappler.com
Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.